Awtonomiya sa Kordillera

Armando P. Galimba

Matagal-tagal na ring pinag-uusapan,

Katagang awtonomiya dito sa ating bayan,

Ngunit sadya yatang kay hirap makamtan,

Kung ano at bakit dapat lang pag-usapan.

Ano nga ba itong katagang awtonomiya,

At lubhang mainint dito sa Kordilyera,

May dala ba itong ligaya at saya,

O isang agam-agam na dapat ipangamba.

Sabi ng marami kapag nakamit na,

Ang awtonomiya dito sa Kordilyera,

Mga pinunong local puwede ng magpasya,

Di na dapat umasa sa dikta ng iba.

Sabi pa ng maraming maka-awtonomiya,

Gobyernong Nasyonal ay may laang pera,

Ito ay kailangan upang CAR ay lumarga,

Tungo sa maunlad, buhay na masaya.

Nguni’t sabi naman panig ng kabila,

Kordilyera’y hilaw pa, tila di pa handa,

Maraming bagay pa na dapat itama,

Bago maging ganap pabayaang lumaya.

Subalit saan mang angulo tingnan,

Ang awtonomiya’y may magandang alay,

Ito’y pribelihiyong bigay lang sa ilan,

Dapat bigyan pansin at pahalagahan.

Bakit nga ba sa Mindanao nakuha na nila,

Biyaya ng awtonomiya ay tinatamasa,

Anong wala sa atin na mayroon sila,

Ito ba’y salitang “TAYO’Y MAGKAISA”.

Hindi ka ba nagtataka aking kaibigan,

Sa iba’t ibang petsang kaarawan ng CAR,

Sa mga pagdiriwang sa iba’t ibang lugar,

Sa kay raming grupo na nagbabangayan.

Kaya’t kung bigo man sa ating mithiin,

Awtonomiyang pangarap ay hindi marating,

Kapakanang pangsarili ang dapat na sisihin,

Gawang pag-iimbot at gawang masakim.

Panahon na kaibigan upang tayo’y gumising,

Ang pagkaka-isa’y ipakita natin,

Isa-santabi pansariling mithiin,

Upang awtonomiya’y makamtan na natin.